NEWS
ADVERTISE WITH US
Home  >  News
Mga pulis, naka-deploy na sa mga NCR polling centers para sa Halalan 2022
ABS-CBN News
Posted at May 08 2022 11:10 PM | Updated as of May 09 2022 12:14 AM
MAYNILA (UPDATE) - Halos isang libo o 923 na pulis ang nakakalat sa polling centers sa may Southern Police District bilang paghahanda sa Halalan 2022.
Sa Pasay City, ayon kay Police Col. Cesar Paday-os, nasa 100 tauhan ng PNP ang magbabantay sa 24 polling centers ng lungsod. 
Pero sa kabuuan nasa 600 pulis ang magbabantay są iba’t ibang bahagi ng siyudad.
Kasama rito ang mga maghahatid ng mga balota mula sa Treasurers Office sa City Hall patungo sa mga polling center mamayang hating gabi at ang magmamanman sa mga checkpoint ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Paday-os nasa higit limampu't pitong indibidwal ang naitala nila na lumabag sa Comelec gun ban mula nuong Enero. 
Ang mga pulis ay magbabantay lamang sa labas at hindi maaaring pumasok sa loob ng polling centers maliban na lang kung sila ay may rerespondehan na insidente.
Ayon sa Election Officer na si Ronald Santiago, dapat nasa 50 meters ang layo ng mga pulis sa mga polling centers para maiwasan umanong magkaroon ng “chilling effect.”
Ipinaliwanag din ni Atty. Santiago handa na ang lungsod para sa Halalan bukas. 
Na-disinfect na umano ang mga precincts, pati na ang accessible polling precincts at ang isolation area kung saan boboto ang mga residente na may sintomas ng COVID-19. 
Sa ngayon, wala pang naitatalang lumabag sa liquor ban sa South Metro.
Samantala, nakahanda na rin para sa halalan ang Eastern Police District.
Nag-umpisa na silang magdeploy ng mga pulis sa iba't ibang presinto sa Marikina, Pasig, Mandaluyong at San Juan.
Full force na rin ang hanay ng kapulisan at naka-heightened alert na rin sa iba-ibang lugar sa eastern Metro Manila para siguraduhing maayos ang botohang mangyayari.
Kasalukuyan din aniya silang walang natatanggap na mga serious threat patungkol sa halalan.
Sa kabila nito, hindi umano papakampante ang kanilang hanay ng pulis at patuloy lang ang kanilang monitoring ng mga lugar na mainit ang tunggalian ng mga kandidatong tumatakbo at ng kanilang mga tagasuporta.
Ngayong Linggo ay nagpakalat na din ang EPD ng mga K-9 units sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard para siguraduhing ligtas sa mga banta ng terorismo at anumang maaaring maging ugat ng kaguluhan o karahasan sa mga polling precincts.
Pinangako rin ng EPD na susunod sila sa itinakdang mga direktiba sa kanila para sa tapat at payapang halalan bukas.
Sa lungsod naman ng Maynila, nasa mahigit 5,000 pulis ang ide-deploy ngayong Lunes para magbantay sa mga polling precinct at canvassing center sa Maynila.
Inaasahan ng Manila PNP ang pagdagsa ng mga tao bukas sa mga polling center lalo na ang Maynila ang ikalawa sa mga vote rich cities sa Pilipinas.
May mga paalala rin ang Manila PNP para sa publiko.
"Kung may nakikita kayong paglabag sa eleksyon ipaalam lang natin sa ating awtoridad...Ang mahalaga lang dito ay i-document natin, kunan natin ng video at ng photo," ani MPD chief Police Major Philipp Ines.
Bagama't walang areas of immediate concern sa Maynila, posibleng dumugin ang ilang lugar lalo na sa Tondo kung saan may pinakamaraming botante na tinatayang nasa mahigit 260,000 voters. 
Dito rin inaasahang boboto ang presidential candidate na si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Sa Caloocan, naka-standby na rin ang mga kawani ng PNP, Bureau of Fire Protection at Department of Public Safety and Traffic Management sa Caloocan High School.
Sampung barangay ang boboto rito at naihatid na ang 21 VCMs na binabantayan naman ng mga kawani ng DPSTM.
Ayon sa mga pulis, alas-6 ng umaga pa lang ay maari nang pumila ang mga botante dito.
Muling paalala ng PNP, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpunta rito ng nakainom dahil ipinatutupad na ang liquor ban.
Sa unang pagkakataon, 3 congressman ang iboboto ng mga taga-Caloocan, dahil sa Republic Act 11545, na humati sa unang distrito ng Caloocan sa dalawa. 
Nasa 11 barangay ang nailipat sa ikatlong distrito ng Caloocan, kabilang na ang Bagong Barrio.
- ulat nina Anna Cerezo, Nico Bagsic, Larize Lee at Jeff Caparas, ABS-CBN News
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Read More:  Halalan 2022   NCR   Pasay City   PNP  Maynila   Caloocan   Eastern Police District  
© 2022 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.
ABOUT
CAREERS
PRIVACY
TERMS
CONTACT US
ADVERTISE WITH US




Welcome, Kapamilya!
We use cookies to improve your browsing experience.
Continuing to use this site means you agree to our use of cookies.
Tell me more!